SSC sa Buwan ng Wika 2025: Pagdiriwang ng Puso’t Pagkakaisa
Buong puso at galak na niyakap ng Siquijor State College (SSC) sa pangunguna ng Samahan ng Pinag-isang Filipino (SSC-SPF ) ang pagdiriwang ng Buwan ng Wika 2025, isang pagkilala at pagpupugay sa mayamang identidad ng ating wikang Filipino na may temang: “Paglinang ng Filipino at Katutubong Wika: Makasaysayan sa Pagkakaisa ng Bansa”.

Suot ang kanilang Filipiniana at Barong Pilipino, nagtipon-tipon ngayong Biyernes, Agosto 29, 2025 sa SSC Student Center ang mga estudyante, guro, kawani, at mga pangunahing opisyal ng Siquijor State College, sa pangunguna ng Punong Opisyal na si Dr. Steven J. Sumaylo. Isang makabuluhang pagtitipon kung saan hindi lamang ipinagdiriwang ang wikang Filipino, kundi pati ang kultura, kasaysayan, damdamin, at diwang Pilipino na siyang bumubuo sa ating pagkakakilanlan bilang isang bansa.

“Buong puso kong sinusuportahan ang makukulay at makahulugang aktibidad ng ating pagdiriwang, tulad ng mga paligsahang inihanda para sa atin. Nawa’y hindi lamang kasiyahan ang ating makamit sa mga ito, kundi pati na rin ang karunungan, pagmamalaki, at higit sa lahat, ang malalim na pag-unawa sa kagandahan at lalim ng ating mga wika. Sa bawat indak ng sayaw, bawat linya ng tula, at bawat himig ng kanta, ipinagdiriwang natin ang ating pinagmulan at pagkakakilanlan.” — taos-pusong pahayag ni Dr. Steven J. Sumaylo sa kanyang makabuluhang talumpati sa selebrasyon.

At sa natatanging pagkakataon, binigyang pugay ang presensya ng panauhing tagapagsalita mula sa unibersidad ng Siliman, Dr. Leslie Jane Devibar-Estrella na isang huwarang tagapagtaguyod ng wika, panitikan, at kamalayang makabayan. Kanyang malugod na ibinahagi ang makabuluhang paksa sa katayuan ng ating wika sa kasalukuyan at pagiging matatag sa pagsulong ng isang wikang Filipino na dapat nating yakapin.
Napuno ng sigawan, kasiyahan, at inspirasyon ang buong selebrasyon ng tunghayan ang mga patimpalak na nilahukan ng mga estudyante mula sa iba’t ibang departamento ng kolehiyo. Ipinamalas nila ang kanilang angking talino at talento, kasabay ng masiglang pagyakap at pagmamalasakit sa sariling wika. Hindi maikakaila ang matamis na ngiti at saya ng bawat kalahok, lalo na sa mga nag-uwi ng tagumpay sa mga patimpalak.

“Bilang kalahok sa Buwan ng Wika 2025, mahalaga sa akin ang wikang Filipino sa pagkanta dahil dito ko mas naipapahayag ang damdamin. Iba ang lalim at puso kapag sa sarili nating wika inaawit ang emosyon.” – pahayag ni Gio Malolot, BSTM na nasa ikaapat na taon sa kolehiyo.
Ang araw ng selebrasyong ito ay sumasalamin sa matatag na pundasyon ng Siquijor State College sa pagpapahalaga sa ating wikang pambansa. Higit pa sa pagdiriwang, ito ay paanyaya sa bawat isa na yakapin ang ating pagkakakilanlan. Ang wika ay hindi lamang itinuturo. Ito ay isinasabuhay!